Editorial · Non-Fiction · Opinion

Bukas na Darating {Filipino}

Note: This entry was originally posted on 2 October 2014 and has been reposted on 3 August 2015.


ILANG BUWAN NA lamang para sa aming mga 4th year ang nalalabi sa paaralang ito. Isa sa mga karapatan ng mga tulad naming mag-aaral lalo na sa hayskul ang makatapos at makapagpatuloy sa kolehiyo upang kuhanin ang kursong nais makamit. Marami naman ang mga mag-aaral na nangangarap na magkaroon ng magandang trabaho kaya nagsisikap makapag-aral.

Sa lagay ng karamihan sa milyon-milyong kabataang Pilipinong magtatapos sa hayskul, ano nga ba ang hinaharap na naghihintay sa kanila? Sa amin? Naroon bang magandang kinabukasan na naghihintay sa mga kabataang ito na katulad rin namin?

Ang mga magsisipagtapos na ito ay marahil parehong saya at lungkot ang nararamdaman sa ngayon. Saya sapagkat nakatapos na sila sa apat na taong hirap na ipinadanas ng sekundarya, at lungkot na may halong kaba naman dahil isa na namang hamon ang kanilang haharapin, isang hamon na dapat ay tahakin ng may kasarinlan at pagiging mas responsable. Pero mas mahirap tanggapin na minsan ay kahit anong kagustuhan ng isang kabataan na makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho, ay walang kakayahan.

Dapat sana’y dala na nila ang mga aral na bigay ng mga magulang at mga guro sa kanilang kolehiyo, ngunit marami pa rin ang hindi ito nakakamit. Marami pa rin ang mga kabataang walang kakayahang mag-aral sa kolehiyo bunga ng iba’t ibang dahilan at ang kakulangan sa pinansyal ang nangunguna sa mga ito.

Ayon sa Commission on Higher Education (CHED) ang antas ng enrolment sa kolehiyo ay patuloy sa pagbaba simula noong taong 1999.

Kaya naman ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nagpakilala sa mga kabataan ng Technical and Vocational Education and Training (TVET), isang programa na nagsimula taong 2002-2003 na naglalayong tulungan ang mga kabataang makapag-aral ng mga bokasyunal na kurso. Sa datos na ipinakita ng TESDA, tumaas ng 116.6% ang mga mag-aaral na nagpursige sa boksyunal na kurso. Kasabay naman nito ang pagbaba ng enrolment sa mga kolehiyong paaralan.

Ipinapahiwatig ba nito na maaring bigyang konsiderasyon ng mga kabataan ang bokasyunal bilang alternatibo?

Sa ganito mang lagay, walang pa ring pagbabago sa anim na kursong maraming kabataang Pinoy ang kumukuha. Nananatili pa rin ang Business Administration sa unang pwesto. Nasa ikalawa naman ang mga kursong medisina lalo na nung mga taong 2000-2005 na tumaas ng 25.7% ang interest sa kursong Nursing. Pinalitan naman ng Information Technology ang Maritime sa ikalimang pwesto.

Ang atin namang pag-aaral, kabataan, ay ating desisyon. Kaya nga may kasabihang,

“Kung gusto may paraan, kung ayaw may dahilan.

Bawat isa sa atin ay binibigyan ng karapatang makapag-aral ayon sa kung ano ang kurso nating ninanais. Naniniwala kami na wala sa gobyerno ang problema, oo, maaaring may pagkukulang talaga ang pamahalaan sa larangan ng edukasyon, ngunit nasa atin pa ring mga kamay kung pagagandahin natin ang buhay natin at nang matulungan ang mga taong mahalaga sa atin.

Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging determinado at mapamaraan. Ang pagiging mapamaraan sa paghahanap ng kinabukasan ay isa lamang sa mga ito.  Hindi naman pamahalaan ang maghahanap ng solusyon sa mga pang-indibidwal nating ninanais. Kung ating pagbubutihin ang nasimulan nating buhay hanggang sa mga bukas pang darating, nakatitiyak ang pag-unlad.

Sa mga panahon ngayon ay bukas lamang na isip ang kailangan. Tayo at tayo ang gagawa ng ating kapalaran.

fin-

(ang artikulong ito ay matatgpuan din sa Hunyo-Nobyembre 2014 isyu ng Ang Batis, ang opisyal na pahayang Filipino ng Baco National High School)

(featured image courtesy of rappler.com)

Advertisements

One thought on “Bukas na Darating {Filipino}

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s