Feature · Sports

Tinatapatan na ba ng Women’s Volleyball ang Men’s Basketball? {Filipino}

Note: This entry was originally posted on 1 October 2013.


MAGMULA PA NOONG 1960’s, basketball na ang kinikilalang laro ng Pinoy at paborito ng bayan katulad ng hindi matapos-tapos na away na animo’y aso’t pusa ng La Salle at Ateneo na nagsimula pa noong NCAA. Isa rin namang daan ang Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) upang mas mahalin ng mga Pinoy ang nasabing laro.

Nang nagbukas naman ang pintuan ng Philippine Basketball Association (PBA) noong 1975, mas lumevel-up pa ang laban sa MICAA, at dahil sa pagsikat ng play-for-pay sa Asya, dito na talagang umusbong ang pagningning ng Men’s Basketball. Taong 1984 nang nagbukas ang Philippine Amateur Basketball League (PABL) – at kinalauna’y tinawag na Philippine Basketball League (PBL) ay ipanamalas sa telebisyon mula sa simula ng pagsikat ng mga PBA Stars tulad nina Benjie Paras, Jojo Lastimosa, at Alvin Patrimonio.

Malawak ang kasaysayan ng Basketball sa buong kapuluan mula pa noong pinasisikat pa lamang ito at ipinakilala ang mga beteranong sina Lou Salvador, ang kinilala bilang “The Big Difference” na si Caloy Loyzaga at ang “Big J” na si Robert Jaworski. Hindi rin nagtagal nang magkaroon din ng mga Fil-Am na manlalaro tulad nina Asi Taulava, Kelly Williams, at Jimmy Alapag. Hindi naman diyan nagtapos ang mga sagupaan sa pagitan ng mga iba’t ibang malalaking unibersidad sa Maynila. Sa ginanap na Season 76 Men’s Basketball Championship Game ng UAAP, 25,000 ‘di magkamayaw na manonood ang dumagsa sa Mall Of Asia Arena kung saan nasilayan ang pagpapaluhod ng DLSU Green Archers sa UST Growling Tigers. Ito ang nagpapakita na ang basketball pa rin ang Numero Uno sa bansa.

Sa kabilang dako naman, ang Women’s Volleyball ay hindi naging kasing tanyag.

Ilang dekada nang pinaghaharian ng Pilipinas ang larong Volleyball sa rehiyong Asean  at ngayong mga nakaraang taon na lamang nang ang mga bansa tulad ng Thailand at Vietnam ay magkaroon ng pag-angat sa larong ito at maiwan sa huli ang Pilipinas – ngunit panandalian lamang.

Dahil sa pagkakaroon ng ilang alitan sa National Sports Agency (NSA) ng Volleyball, nawala sa loob ng walong taon ang Pilipinas sa mga ligang internasyonal ng larong ito. Bagamat may ganitong pangyayari, hindi naman tayo naalis sa larangan ng Beach Volleyball. Taong 2004 nang magkaroon ng Shakey’s V-League at maipalabas sa telebisyon ang mga nagaganap na labanan. Nagsimula na ring ipalabas ng ABS-CBN Sports ang mga laro ng UAAP Women’s Volleyball at ito ay naging isang magandang solusyon para sa mga tagasuporta ng basketball na naghahanap ng iba pang mapapanood.

Sa ilang mga kadahilanan (hindi pa rin maipaliwanag), naging biglaan ang pagtanyag ng Women’s Volleyball nitong huling taon at marami na ang nagsimulang tutukan at subaybayan ang mga pangyayari dito o magkaroon ng bagong paboritong sport.

Ang mga manonood ng mga laro ng UAAP Women’s Volleyball ay napapantayan na ang sa Men’s Basketball. Ang Championship game ng Season 75 nito ay ginanap sa MOA Arena at dinumog ng humigit kumulang sa 20,000 tao. Ang pagsisimula naman ng Philippine Super Liga (PSL) ay dinumog din ng libo libong tagasuporta—at mas tumaas pa noong Finals, nagkaroon ng muntikang pagso-sold-out ng tickets.

Ang pagbangong muli ng paghahari ng Women’s Volleyball ay nanatili pa ring palaisipan sa lahat. Marami pa rin naman ang mga susubaybayang liga sa basketball. Ilan na diyan ang PBA, UAAP/NCAA, NBA, PBA D-League, EuroLeague, ACB Liga Endesa, FIBA, at marami pang iba. Samantalang sa Volleyball naman, (kung wala kang subskripsyon sa internet upang maging updated sa mga tournament FIVB na nagaganap sa iba’t ibang panig ng mundo), ay mayroon lamang Shakey’s V-League, PSL, at UAAP/NCAA. Ang kagandahan lamang nito ay walang ligang magkakasabay ng buwan ng pagpapalabas kaya mas madali itong subaybayan.

Isa pa ring kagandahan nito ay ang pagkakaroon ng mga idolong kababaihan. Nagkakaroon ng pagkakataon ang mga tagasuporta na makakita ng mga maaksyong galaw mula sa mga kababaihan at siyang nagpapatunay na hindi lamang mga kalalakihan ang mayroon nito. Maraming nagsasabi na ang volleyball daw ay mas kapana-panabik dahil sa bilis ng oras ng laro.

Ang tanong na ito ay nanatiling bukas pa rin. Talaga bang tinatapatan na ng Women’s Volleyball ang Men’s Basketball sa padamihan ng Pinoy fans? Mayroong kasiguraduhan na sasabihin ng mga loyal na tagasuporta ng basketball na malayo ang agwat nito, ngunit ang mga tagasuporta ng volleyball ay sasalungat dito. Siguro kung pang-internasyunal na ang kasikatan ng volleyball ay maari na uli itong itanong. Ngunit sa ngayon ay alam ng lahat ang hindi kailanman matatapatan nito sa basketball—ang tagal ng panahon ng pagiging tanyag ng basketball.

Ngunit ang henerasyon ng paglawak ng internet, ang patuloy na pagiging trending ng volleyball sa Twitter, ang paglago ng likes sa Facebook, at pati na rin ang pagdami ng hearts sa Instagram ang maaring isang maging napakahalagang dahilan upang mas lalo pa nitong maabot ang kasikatan. Hindi naman talaga ito tungkol sa pag-uungkat ng nakaraan, ito ay tungkol sa ngayon at mga bukas pang darating.

fin-

(update: ang artikulong ito ay matatagpuan din sa Hunyo-Nobyembre 2014 isyu ng Ang Batis, ang opisyal na pahayagang Filipino ng Baco National High School)

(featured image courtesy of rappler.com)

Advertisements

One thought on “Tinatapatan na ba ng Women’s Volleyball ang Men’s Basketball? {Filipino}

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s