Feature · Short Story · Travelogue

Sa Isang Ekstraordinaryong Gusali {Filipino}

Meeting the famous ADMU Lady Eagle Volleybelle Gretchen Ho. (photo courtesy: me)
Meeting the famous ADMU Lady Eagle Volleybelle Gretchen Ho. (photo courtesy: me)

Note: This entry was originally posted on 22 August 2013.


“BILISAN MO NA. Kailangan na nating umalis at baka tayo mahuli,” nagmamadaling utos sa akin ng aking lola habang mabagal at mahinhin akong nagbibihis. Kamakalawa kasi ay niyaya kami ng aking Ninong na manood ng isang stage play sa isa sa mga sikat na pamasyalan sa Maynila. Dahil ako ay nagbabakasyon sa Cavite ng panandalian noong panahong iyon, ay hindi ko na pinalagpas ay isang napakagandang paanyaya sa amin. Kaya noong hapong iyon, ay dali-dali kaming nagbibihis.

Paglabas ng subdibisyon kung saan naroon ang bahay ng aking tiyahin na aking pansamantalang pinagbabakasyunan ay mapalad namang may dumaan agad na van patungo sa opisina ng aking tiyahin.

Sakay ng van na nagmimistulang hindi na uusad sa masikip na daloy ng mga sasakyan sa Maynila, ay naglaro ang inip sa aking isipan. Upang mapigilan ang aking pagsabog bunga ng kainipan ay nakinig na lamang ako sa musika ng aking mp4. Hindi ko napapansin ang tagal kapag nakikinig ako dito, kung kaya’t parang ilang saglit lamang ay napansin ko na ang CCP Complex at Star City. Malapit na kami sa opisina ng tiyahin ko.

Nag-aagaw ang liwanag at dilim sa kalangitan habang kami ay sakay ng taxi patungong Resorts World Manila. Doon kami manonood. Unti-unti namang napuno ng ilaw ang Kamaynilaan. Mula ang ilan sa mga sasakyang animo’y laruan lamang sa malawak na daan na nagsikip na, at ang iba naman ay sa mga ilaw sa tabing daan at sa mga matataas at tila abot langit na gusali’t impastraktura.

Napansin ko naman agad ang mga taong pumapasok sa gusali. Hindi maikakaila ang ginhawa sa kani-kanilang buhay. Mula pa lamang sa mga damit nilang suot hanggang sa mamahaling bag at mga alahas, huwag na ring kalimutan ang mga gadyets na kanilang bitbit. Ang mga sasakyan naman sa parking lot ay katulad ng mga nakikita ko sa internet, sa mga patalastas sa telebisyon, at sa mga magazines na sinasabing higit dalwang milyong piso ang presyo.

Sinalubong kami ng aking Ninong at sabay-sabay kaming pumasok. Nabuo ang ngiti sa aming mga labi ng masilayan ko ang lawak ng pamasyalang iyon. Ito ay masasabing isang malaking hotel at mall lamang ngunit ang mga makikita ay hindi pangkaraniwan sa mga katulad naming simple lamang. Mula sa kainan na may French, Japanese, Italian, mayroon din namang Pinoy, at marami pang iba. Mayroon din namang Casino at mga sinehan. Namangha naman ako sa mga pamilihan ng bag at sapatos, sa brand pa lamang ay mapapansin ng nagkakahalaga ng libo.

Nakarating kami sa ikaapat na palapag ng gusali kung saan naroon ang teatro. Newport Performing Arts Theater, nakikita ko lamang ito sa telebisyon tuwing may ginaganap na patimpalak sa pagalingan sa pagkanta. Ngunit ngayon ay nakita ko na sa personal na talagang malawak ito at saka malamig. Sampung minuto na lamang ay magsisimula na ang ‘King and I’, ang stage play na aming panunuorin. Tumawag naman ang aking ama at sinabing hindi siya agad makakarating. Natapos ang panuorin na ako ay nanlalaki pa rin ang mga mata at nakanganga sa mangha sa galing sa pagkanta ng mga nagsipagganap at ang kanilang mga accent sa pagsasalita ng Ingles na tila mula Britanya.

Bandang ika-siyam ng gabi ng nakalabas kami sa teatro at nakipagkita sa aking ama na kagagaling lamang sa kanyang trabaho sa Quezon City. Kumain kami sa isang Filipino fine dining restaurant na tinatawag na Crisostomo’s. Napansin kong pinasosyal lamang naman dito ang mga lutong bahay sa amin kung kaya’t gusto kong makatikim naman ng iba tulad ng mga hain doon sa Mexican Restaurant sa kabilang tabi. Ngunit ako’y pumayag na rin nang dito ang kanilang napagpasyahan.

Katatapos pa lamang naming kumain nang may natanaw ako mula sa kabilang kainan. Dalawang pamilyar na mukha ang papalabas mula roon. Sila ay lagi kong nakikita sa aming telebisyon. Isang hindi inaasahang pagkikita! Ang isa sa mga sikat na manlalaro ng Women’s Volleyball at matagal ko ng idolo na si Gretchen Ho ay nasa aking harapan. At ang kanyang kasama ay ang sikat na host ng tagisan sa pagkanta na The Voice na si Robi Domingo. Tinanong ko kung maari akong magkaroon ng larawan kasama sila at malugod silang pumayag.

Natapos ang gabi na isa sa masayang gabi ng aking bakasyon. Kung saan nangyari ang lahat sa loob ng isang sikat, sosyal, at ekstraordinaryong gusaling ito na dinarayo ng mga dayuhan.

Halos hatinggabi na ng kami ay nakauwi pabalik sa Cavite at hindi ko pa rin makalimutan ang isang gabi kung saan naranasan ko ang parang maging sosyal na rin. Dahil sa ekstraordinaryong gusaling ito ay nadagdagan ang aking mithiin na mas lalo pa akong magsikap.

 

-fin-

(featured image content: this article makes it to the p.13 Hunyo-Nobyembre 2013 issue of ‘Ang Batis, ang opisyal na pahayagan ng Baco National High School’)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s